Idineklara kahapon ng Russia na wanted ang punong ministro ng Estonia na si Kaja Kallas at iba pang mga opisyal ng katabing rehiyon ng Baltic dahil umano sa mga kasong kriminal.
Nakalagay sa database ng mga wanted na tao ng interior ministry ng Rusya ang larawan ni Kallas subalit walang nakalagay kung ano ang pagkakasala niya.
Kasama rin sa nasabing database ng mga lumabag sa criminal code ng Russia ang isang ministro ng Lithuania.
Ayon sa tagapagsalita ng Kremlin na si Dmitry Peskov, may bahid ng poot ang mga ginagawa ni Kallas laban sa alaala ng kasaysayan ng Rusya.
Walang pang reaksyon ang Estonia sa balita.
Madalas na tinutuligsa ng Russia ang Estonia dahil sa pag-aalis ng mga monumento ng digmaan sa panahon ng USSR o Unyon ng Soviet Socialist Republics dahil itinuturing ng pamahalaan na mga simbolo ito ng pananakop ng Rusya sa bansa.