Inihayag ng Cavite Police nitong Martes na isang ginang umano ang pinatay at itinago sa loob sa drum ng kaniyang live-in partner na Amerikano sa Bacoor City, Cavite at nasa state of decomposition na umano ang labi ng biktima.
Dinatnan ng mga pulis ang bangkay ng 47-anyos na ginang na nakabalot at nakasilid sa isang drum sa bahay ng 71 anyos na kinakasama nito bandang ala-1 ng hapon at mismong ang anak ng biktima ang nagturo sa bahay ng live-in partner na posibleng kinaroroonan nito.
Hindi na umano tumanggi pa ang suspek sa krimen at kaagad na inamin ang ginawang pagpatay.
“Sinakal siya, noong namatay na siya, tinago niya sa drum. Hindi pa po namin alam ‘yung motibo, siguro para maitago ‘yung crime, ‘yun nga na-surprise siya, pinuntahan siya sa bahay tapos noong makaamoy tayo ng foul odor, doon na niya inamin na nandoon ‘yung biktima,” saad ni PCol. Christopher Olazo ng Cavite police.
Hinala ng mga awtoridad, tinatayang nasa tatlo hanggang apat na araw nang patay at nakatago sa drum ang biktima at ayon sa kanila ay isa sa tinitingnang anggulo sa pagpatay ay selos.
“Ang ano po namin dito, jealousy po siguro kasi live-in partner niya po itong biktima,” sabi ni Olazo.
Nasa kustodiya na ng pulis ang Amerikanong suspek na mahaharap sa kasong murder.
Samantala, karumal-dumal naman ang sinapit ng isang babae matapos gilitan ng kanyang kinakasama umano dahil sa selos sa General Trias, Cavite.
Duguan at laslas ang leeg ng biktima nang maabutan ng mga awtoridad sa isang bahay sa Sitio Hulugan, Barangay Buenavista.
Base sa imbestigasyon, bago nangyari ang krimen ay nag-iinuman ang dalawa at saka nagtalo dahil sa panloloko umano ng babae.
Sa galit at selos, kumuha ng kutsilyo ang lalaki at saka ginilitan ang kanyang kinakasama.
Kusang loob naman na nagtungo ang suspek sa istasyon ng pulis para i-report ang nagawang krimen.