Nagluluksa ngayon ang aktres na si Sanya Lopez dahil sa pagpanaw ng isa sa kanyang fur baby – ang stray dog na aspin na si Mackee.
Sa kanyang IG, ibinahagi ni Sanya ang ilang memories kasama pumanaw na alagang aso at sa isang video, ipinakita niya ang mga panahon na inampon niya ito hanggang sa lumaki na ito kasama ang iba pa nilang pet dogs.
“Unang kita palang namin sayo minahal ka agad namin,” caption niya sa IG. “Sandaling panahon ka lang sa amin pero pinaramdam mo kung gaano mo rin kami kamahal.”
Inisa-isa rin ng aktres ang ilan sa mga mami-miss niya sa kanyang aso.
“Mamimiss ko bawat paghihintay mo sakin sa labas ng room ko paggising ko, at nangunguna sa gate pag umuuwi na ko. Bawat pagsusungit mo pag ayaw mo ng magpakiss. Bawat iyak mo kasi ayaw mong wala kang taong kasama kahit isa,” saad ng dalaga.
“Mamimiss ko lalo yung tinititigan mo lang ako kahit wala akong ginagawa at magpapa-cute ka lang bigla kasi gusto mo lang [sad face, red heart emojis]. Sa sandaling panahon ipinahiram ka samin pinasaya mo kaming lahat,” dagdag niya.
“Maraming Salamat at nakilala ka namin. Mahal na mahal ka namin. You’ll always be forever in our hearts. Run free my baby Mackee! [white heart, dove, folded hands emojis]”
Kung maaalala noong Mayo ng nakaraang taon nang huling mamatayan ng fur baby si Sanya at ang kapatid niyang aktor na si Jak Roberto.
Nag-share pa nga noon si Sanya ng litrato ng kanilang aso at sinabi rin niya na mami-miss nila nang bonggang-bongga si Jong Jong na naging bahagi na rin ng kanilang pamilya.