Isang bata ang nasawi matapos umanong masalpok ng isang motorsiklong kasali sa isinasagawang drag racing para sa isang kapistahan sa Candoni, Negros Occidental nitong nakaraang linggo.
Ayon sa mga ulat, bahagi ng “Dinagyaw sa Tablas” festival ang drag race sa Candoni, Negros Occidental at nang magsimula na ang karera ay isang rider ang nawalan ng kontrol sa kanyang minamanehong motorsiklo at nasalpok nito ang mga biktima na nasa gilid ng kalsada na ginawang race track.
Bukod sa batang nasawi, sugatan din ang isang babae, isang tanod, at ang naaksidenteng rider.
Ikinalungkot naman ni Candoni Mayor Ray Ruiz ang nangyari at nangakong tutulungan ang mga biktima.
“Humihingi ako ng tawad sa nangyari. Wala namang may gusto nito kaya lang nangyari na ang aksidente,” saad ni Ruiz.
Dahil sa insidente, hindi na umano papayagan muli pa na magdaos ng karera sa kapistahan.