Tinamaan ng bombang drone ang isang gasolinahan sa Kharkiv, Ukraine at lumikha ng “ilog ng apoy” na sumunog sa pitong tao roon.
“Sa loob ng limang minuto nagkaroon kami ng ilog ng apoy. Kinailangan naming tumakas sa bahay,” sabi ni Oleskandr Lagutin, na nasugatan sa pag-atake.
Humigit-kumulang 3,800 tonelada ng gasolina ang nakaimbak sa oil depot na tinamaan ng bomba at nagliyab.
Sinabi ng mga pulis na namatay sa sunog ang isang mag-asawa at isang pamilya na may limang miyembro.
“Tumawag ang biyenan ko at sinabing may sunog,” sabi ni Natalia, kamag-anak ng namatay na mag-asawa.
“Tumawag siya muli at sumisigaw na kumalat na ang apoy sa bahay. Narinig naming ang huli niyang sigaw at hindi na siya nakipag-ugnayan,” dagdag niya.
Sinabi ng gobernador ng rehiyon ng Kharkiv na si Oleg Synegubov na kasama sa namatay na mag-asawa ang kanilang pitong taong gulang, apat na taong gulang at pitong buwang gulang na anak na lalaki.
Ang bangkay ng ina at ang kanyang mga anak na lalaki ay nakita sa banyo, habang ang katawan ng lalaki ay natagpuan sa isang daanan ng bahay, aniya.
Nang maglaon, sinabi ng tagausig na ang namatay na ina, si Olga Putyatina, ay 35 taong gulang na nagtrabaho sa tanggapan ng mga tagausig ng rehiyon at naka maternity leave.
“Ang mga batang ito ay hindi pa nakakakita ng buhay, ngunit pinatay bilang resulta ng kabaliwan ng Russia,” sabi ni Pangulong Volodymyr Zelensky ng Ukraine.
Ipinadala niya ang kanyang pakikiramay sa lahat ng mga biktima ng pag-atake.