Mga 300 bangkay ng mga namatay sa lindol ang sama-samang pinaglamayan sa probinsya ng Herat, Afghanistan nitong Lunes habang ang ibang pamilyang natabunan ng mga gumuhong bahay ay patuloy pang hinuhukay ng mga rescuer.
Ginanap ang malaking lamay sa nayon ng Siah Ab, ang pinakamalapit na lugar sa episentro ng magnitude 6.3 lindol nitong Sabado, na sinundan ng walong malalakas na mga aftershock.
Nakabalot ng puti ang mga bangkay na ibinaba ng mga ambulansya at inihanay habang nasa paligid ay nagdasal ang mga tao.
Mahigit 2,000 tao ang naulat na nasawi sa lindol.
Sa kalapit na nayon ng Nayeb Rafi, na dating tinitirahan ng 2,000 pamilya, walang bahay ang naiwang nakatayo. Lahat ay gumuho at mga biyak na mud brick lamang ang makikita.
Dalawang excavator ang naghuhukay sa lugar upang makuha ang mga natabunang mga bangkay at gamit. Ang iba naman ay pala at piko lamang ang gamit sa paghuhukay.
Ayon sa residenteng si Ali Mohammad, 50, isang pamilya na may 20 kasapi ang natabunan, liban sa dalawang miyembro na na nataong nasa labas ng bahay nang maganap ang mga lindol.
Sa 11 nayon naman ng distrito ng Zenda Jan, lahat ng bahay ay nasira.