Inihayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na pagtalima lamang sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtanggi ng Philippine National Police na ipatupad kung sakali man na mag-isyu ng warrant of arrest ang International Criminal Court.
Ayon kay Guevarra, tanging ang PNP at iba pang law enforcement officers lamang ang awtorisadong magsilbi ng warrant of arrest sa teritoryo ng Pilipinas.
Kasunod ito ng naging pahayag ng PNP na hindi sila magpapatupad ng arrest warrant na posibleng iisyu ng ICC laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa war on drugs nito dahil sa kwestyonableng hurisdiksiyon nito sa ating bansa.
Una na ring inihayag noon ni Guevarra na maaaring mag-isyu ang ICC ng warrant of arrest sa sinumang opsiyal ng PH subalit ibang usapin aniya ang pag-implementa nito sa ating bansa.
Kung saan ayon sa Department of Justice noon kailangan munang makakuha ng foreign entities ng approval mula sa ilang ahensiya ng gobyerno bago makapagsagawa ng official activities dito sa loob ng bansa.
Una na ring nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi nito kinikilala ang hurisdiksiyon ng ICC sa bansa na itinuturing nitong banta sa soberaniya ng PH.