Isang grupo ng mga kabataan ang kasama na ang isang babaeng nagpapanggap na white lady ang inaresto ng mga otoridad matapos silang ireklamo ng ilang mga motorista na muntik na silang madisgrasya sa isang madilim na kalsada sa Bogo City, Cebu.
Ilang tanod sa lugar ang napasugod matapos na magsumbong sa kanila ang ilang motorista na muntik nang madisgasya at sa daan pa lang, nakita na ng mga taga-barangay ang kandilang nakasindi sa gilid ng daan.
Inabutan nila ang grupo ng mga kabataan, pati na ang nagpapanggap na white lady.
Ayon sa mga kabataan, naisipan nilang gawin ang horror prank matapos kumalat ang usap-usapan na may nakitang “ungo-ungo” o multo sa lugar.
“Gumagawa sila ng video para lang sa kanila. Akala nila nakakatuwa sila pero hindi nila alam na napakalaki ng responsibilidad nila kung sakaling may maaksidente,” ayon kay Jenelyn Tabaco, punong barangay ng Anonang Sur.
Paalala pa ni Tabaco, may panganib na posibleng bugbugin o mabaril ang mga prankster ng kanilang gustong takutin.
Matapos damputin ang grupo, ipinatawag ang kanilang mga magulang at pinag-public apology.
Kasama rin sa parusa sa grupo ang mamulot ng basura sa lugar kung saan nila ginawa ang prank. Umaasa naman ang punong barangay na wala nang gagaya sa ginawa ng grupo.