Inihayag ng Maco Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office nitong Miyerkules na anim na labi ng tao ang narekober ng mga otoridad mula sa landslide na naganap sa Maco, Davao de Oro.
Ayon sa mga ulat, nasa 31 katao pa ang naitalang sugatan na na-rescue naman ng mga operatiba ng search and rescue teams na ideneploy sa lugar.
“Based on the initial report for validation from MDRRMO Maco, as of 2 p.m. today, six bodies have been recovered from the landslide and 31 injured people were rescued,” sabi ng provincial government ng Davao de Oro.
Ayon pa sa mga opisyal, nasa 46 na ang naitalang nawawala.
“The rescue operation is still ongoing with government agencies and rescue teams in the province. Let’s always be careful Dabawenyos and let’s continue to pray for the people affected by the incident,” sabi ng Davao de Oro provincial government.
Dagdag pa nito, nasa 758 na pamilya ang nasa mga evacuation centers.
Kung matatandaan, Martes ng gabi nang tumama ang landslide na naglibing sa isang garahe ng isang bus company, barangay hall at ilang mga kabahayan sa Zone 1 sa Barangay Masara.
Ang mga apektadong lugar ay malapit sa isang minahan kung saan ang mga manggagawa ay nagtatrabaho ng shifting sa buong magdamag.
Ayon naman sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, marami pa umanong mga residente sa lugar ang maaaring nakabaon pa sa landslide bukod pa sa dalawang bus na natabunan ng pagguho sa lugar.
Samantala, sinabi naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na ang bilang ng mga apektado ng Northeast Monsoon o Amihan at ng low pressure area ay pumano na umano sa milyon.
Nitong Miyerkules din, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglaan na ang pamahalaan ng P265 million upang matulungan ang mga naapektuhan ng malawakang pagbaha at landslide sa rehiyon.
”From the reports that we have had, I think that we are doing all right in the food— the provision of food packs, etc. But as the Secretary (Rex Gatchalian) was explaining, it gets to the point na hindi lang pagkain ang kailangan ng tao. They need to buy other things para sa kanilang household,” saad ni Marcos.
”That’s why the ECTs (emergency cash transfer) have become very important and that’s why I released P265 million to make sure that the pace of the response is immediate at maramdaman kaagad ng tao, meron kaagad silang tulong. Maramdaman nila kaagad na meron silang gagamitin sa pangangailangan nila,” dadgag niya.