Nanawagan ang mga guro sa publiko na makiisa sa kanilang panawagan na buwagin ang “executive pork” na ugat ng walang sawang pangungupit at paggasta sa kaban ng bayan.
Ang hirit ay ginawa ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ilang araw bago ipagdiwang ang World Teachers Day sa Huwebes, Oktubre 5.
Ang tinutukoy ng ACT ay ang kontrobersyal na P10.14-B confidential at intelligence funds na nakapaloob sa panukalang P5.768 trilyon pambansang budget para sa 2024.
Giit ng ACT, ang P10.14-B ay katumbas ng gastusin para sa pagpapatayo ng 4,056 bagong silid-aralan, pagpapakumpuni ng 20,280 giray-giray na klasrum, pambili ng 87, 038 piraso ng armchairs at 289,329 laptops.
“Sa harap ng lumalalang krisis sa edukasyon ay lumulustay ang administrasyon ng bilyon-bilyong confidential funds,” anang ACT.
“Ang confidential fund ay patuloy na lumolobo at kumakain ng pondo habang walang kaalam-alam ang taumbayan kung saan ito ginagastos,” dagdag ng grupo.
Kamakailan ay isiniwalat ni Marikina Rep. Stella Quimbo na ginasta ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte ang P125-M confidential funds sa loob lamang ng 11 araw noong 2022, batay sa datos ng Commission on Audit (CoA).