Dahil nauuso na ngayon ang pagbili sa mga tinatawag na “mystery parcels”, nagbabala na ang Department of Trade and Industry dahil maituturing umanong mga “nakaw” na produkto ang mga mystery parcels.
Paliwanag ng DTI, ang mga “mystery parcels” ay mga produkto na ide-deliver pero hindi nakuha o nakarating sa dapat na pagbigyan o nag-order.
Kapag hindi naibigay sa dapat pagdalhan ang produkto, ibinabalik ng delivery rider sa online platform, seller o courier ang produkto. Inaalis ang pangalan ng dapat pagdalhan bago ibenta bilang “mystery parcels.”
Nitong nakaraan, sinabing marami ang bumibili ng mystery parcels sa pag-asa na mas mahal ang laman ng kahon kaysa sa presyo na kanilang ibinayad kahit hindi nila nakita ang laman ng kanilang binili.
Ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, maikokonsiderang nakaw na produkto ang mga mystery parcel.
“Unless the owner says inabandona na, siya pa rin ang may-ari nu’ng item. Kung sino man nagtanggal ng waybill at nagbenta, that can be charged as nakaw na item,” ayon kay Nograles.
Ayon sa isang nagtitinda, mayroon siyang pinagkukunan ng mga produkto na nabibili niya sa halagang P45 ang isa at ibinebenta lang niya ng P50. Hindi umano ilegal ang kaniyang ginagawa dahil inoorder niya online ang mga produkto.
Sinabi ni Nograles, maaari nilang ipa-take down ang online store, padalhan ng show cause order o bigyan ito ng notice of violation. Ang anti-fencing Law ay batas kontra sa pagbili ng mga produkto na mula sa nakaw. Ang parusa rito ay depende sa halaga ng produktong sangkot.