Isang babaeng may kaugnayan umano sa isang rent-tangay modus ang inaresto ng mga otoridad sa Quezon City nitong Martes.
Batay sa ulat, nabitag sa isang entrapment operation sa Barangay UP Campus ang babae matapos tangayin umano ang nirentahan niyang sasakyan na pinatutubos umano niya sa halagang P200,000.
Ayon sa may-ari ng sasakyan, nakatransaksiyon niya online ang suspek noong January 10 at sinabing rRerentahan daw nito ang SUV sa loob ng dalawang araw, pero umabot na ng isang buwan ay hindi pa ito ibinabalik.
“Mga ilang araw, naghihintay kami sa panibagong kontrata para makipagkita pero hindi na po nakikipagkita. Tapos ‘yung GPS po patay na so nagtataka na kami, kinakabahan na rin kami. Tapos hindi mo na makausap nang maayos ‘yung nag-rent,” sabi ng biktima.
Dagdag pa ng biktima, hindi pa nila tapos bayaran sa bangko ang sasakyan na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan.
Sa follow-up operation nabawi ang dalawa pang tinangay na sasakyan sa tulong ng GPS. Naisanla na pala ang mga ito ng suspek ayon sa pulisya, may apat pang kasamahan ang naarestong suspek. Nago-operate daw ang grupo sa Quezon City, Pasay, Cavite at Laguna.
Nasampahan na ang naarestong suspek ng reklamong robbery-extortion.