Pansamantalang itinigil ng pamahalaang panlalawigan ng Benguet ang mga aktibidad na may kinalaman sa turismo sa bayan ng Itogon dahil sa patuloy na pagkalat ng malaking sunog sa kagubatan
Ang utos ni Gobernador Melchor Diclas na pansamantalang itigil ang mga aktibidad sa turismo ay sumasaklaw sa Barangay Tinongdan at Dalupirip.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection Benguet at ng Itogon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na sinunog ng apoy ang bahagi ng gubat ng Sitio Palangshe ng Dalupirip at Sitio Simpa ng Ampucao noong Enero 28 hanggang 31.
Isa pang sunog ang nagsimula noong Pebrero 2 malapit sa Ambasa at Mt. Ugo sa Barangay Tinongdan, ayon sa dalawang ahensya.
Sinabi ni Diclas na patuloy ang pagkalat ng apoy sa iba’t ibang direksyon sa kabila ng pagsisikap ng mga komunidad at mga lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya na mapatay ito.
Tumulong sa pagsugpo sa sunog ang mga tauhan ng Tactical Operations Group 1 ng Philippine Air Force kasama ang 505th Search and Rescue Group ng PAF.
Tinatayang 20 ektarya na ang natupok ng apoy.
Samantala, ang mga miyembro ng komunidad, pulis at bumbero ay humaharap din sa sunog sa bundok sa Camp 30, Atok na nagsimula noong hapon ng Pebrero 4.
Lumaki ang apoy Lunes ng umaga, ayon sa mga local na awtoridad.