Nagulantang ang Philippine Navy dahil walang makitang bato sa ilalim ng Rozul Reef sa West Philippine Sea nang mag-underwater survey ang mga divers nito.
Inihayag ito ni Vice Admiral Albert Carlos, kumander ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines, sa isang forum sa Quezon City kahapon.
May nagaganap na harvesting ng corals sa naturang bahura, ngunit hindi pa tukoy kung ang mga marino sa mga Chinese fishing vessels sa lugar ang nasa likod ng pangunguha ng mga bato.
“Suspetsa palang natin, we are not saying they [Chinese vessels] are harvesting our corals. We suspect that somebody is harvesting our corals and that means they are violating our sovereign rights,” he added.
Nakikipag-ugnayan na ang militar sa mga scientists at eksperto para ma-assess ang nakita ng mga Navy divers, ani Carlos.
“Hindi pa kami makakapagbigay ng kongklusyon sa ngayon. Nais lang naming ilahad ang coral harvesting sa lugar kung saan may nakaparadang mga Chinese fishing vessels,” sabi ni Carlos.
Nagpahayag ng pagkabahala ang tagapagsalita ng AFP na si Col. Medel Aguilar.
Ang pangunguha ng mga koral at makakaapekto sa produksyon ng isda at kalaunan ay magiging banta sa seguridad sa pagkain ng bansa, ayon kay Aguilar.
Ang mga puwersang militar at mga kinauukulang ahensya ay dapat maging aktibo sa pangangalaga ng mga bahura, dagdag ni Aguilar.
May 40 barkong Tsino ang namataang nakakumpol malapit sa Rozul Reef nitong 15 ng Setyembre, ayon kay Carlos.
Ang bilang ay mas mataas kumpara sa 33 mga barkong Tsino na nakita roon noong 24 ng Agosto.
Mayroon namang 24 na barkong Tsino sa may lugar noong 7 ng Setyembre.
Ang pagkukumpulan o swarming ng mga barkong Tsino ay naobserbahan din sa may Escoda Shoal at Baragatan Bank, dagdag ni Carlos.
Noong Hulyo, naitaboy ang 50 Chinese militia vessel malapit sa lugar ngunit nagbalikan ang mga ito sa huling bahagi ng Agosto.
“May panahon na walang swarming sa lugar dahil sa presensya namin roon,” sabi ni Carlos.
“We’d like to maintain 100 percent, 365 days a year (presence). But because of the weather, limited resources, our troops have to go back to port to refuel, to take some rest,” sinab ni Carlos sa forum.