Kakaulat pa lamang ng Department of Information and Communications Technology ang tangka ng mga hackers mula sa China na kumuha ng mga impormasyon sa mga email ng mga ahensya at opisyal ng gobyerno, kabilang na ang Philippine Coast Guard at pribadong website ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni DICT Undersecretary Jeff Ian Dy sa isang news forum nitong Sabado na naagapan naman ang banta at iniimbestigahan na ang cyber espionage, batay sa ulat sa insidente ng Google na siyang nakadiskubre sa tangkang pag-e-espiya ng hackers dalawang linggo na ang nakalilipas.
“Itong klase ng ganitong atake, ang ginagawa lang po nito ay magmanman. Hindi naman po niya nakita iyong ating mga emails, nadepensahan naman natin although iniimbestigahan pa rin natin ngayon,” sabi ni Dy, ayon sa Philippine News Agency.
Dagdag pa ni Dy na target ng mga hacker ang Google Workspaces ng gobyerno, partikular ang domain administrators ng Cabinet Secretary, ng Department of Justice, ng Congressional Policy at Budget Research Department ng Kongreso, ng National Coast Watch System, at ng mismong DICT.
Nalamang taga-China ang mga hackers dahil nakita na ang ginagamit nilang network ay iyong sa China Unicom, isang telco sa Tsina. Ayon kay Dy, makikipag-ugnayan sa nasabing kumpanya ang mga imbestigador upang matunton ang mga espiyang hacker.
Hindi lang naman katakataka ang pangha-hack ng mga Intsik dahil talamak na ito. Maging ang mga bansang Estados Unidos at European Union ay tina-target ng mga hacker na Intsik at nalaman din ang lokasyon nila dahil nakita rin na China Unicom ang network na ginamit nila.
Matagal nang agresibo ang Tsina sa cyber espionage at hindi katakatakang target nila ang PCG at NCWS dahil marahil nais nilang malaman ang mga kilos ng mga ahensya upang mas maigi silang makapanghimasok sa West Philippine Sea.
Ngayong nangyari ang nasabing tangkang pang-e-espiya, kailangang malaman ang mga nasilip na impormasyon ng mga Intsik upang makagawa sila ng contingency, bukod sa kung paano palalakasin ang proteksyon ng mga network ng bansa.
Isa pang dapat tugunan ng gobyerno ay kung paano rin makaka-espiya sa mga balakin at kinikilos ng Tsina patungkol sa WPS upang malabanan natin ang kanilang lantarang panghihimasok sa ating teritoryo. Ngunit ang tanong ay ginagawa ba ito ng ating pamahalaan? At kung hindi, tama bang hanggang proteksyon lamang ng ating mga network ang ating gagawin laban sa mga hacker ng Tsina upang hindi nila masilip ang mahahalagang impormasyong magkukumpirmiso sa ating national security? O dapat ring gawin natin ang ginagawa nila sa atin?