Iniulat ng Embassy of Israel sa Pilipinas na maraming trabaho ang bubuksan sa kanilang bansa dahil maraming dayuhang manggagawa ang umalis bunga ng nagaganap na digmaan ng Israel at Hamas.
Pero nilinaw ni Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na nakasalalay sa gobyerno ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa kanilang bansa dahil isinailalim ng bansa sa Alert Level 2 ang Israel.
“We’re seeking globally to bring more workers for Israel. And we are offering the same thing also to the Philippines. But it depends on the Philippine government,” saad ni Fluss sa isang panayam.
Kung matatandaan, October 11, 2023, nang ilagay ng Department of Foreign Affairs sa Alert Level 2 ang Israel. Dahil dito, itinigil muna ang pagpapadala doon ng mga Pinoy worker.
Ayon kay Fluss, gusto ng mga kababayan niyang Israeli ang mga Pinoy caregiver dahil bukod sa marunong mag-Ingles ay itinuturing pang “the kindest people in the world.”
“The sentiment is even stronger. Meaning, even before October 7, Israelis prefer to have as caregivers Filipinos. Israelis very much like Filipinos, you know, English-speaking. Filipinos are the kindest people in the world,” sabi ni Fluss.
Maliban sa mga caregiver, kailangan umano ng Israel ang mga manggagawa para sa hotel, agriculture, at construction industries.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, tinatayang 20,000 trabaho ang bakante sa Israel na malaking tulong sa mga Pinoy.