Matapos ang ilang mga balitang may kaugnayan sa paggamit umano ng ilang ipinagbabawal na droga, hinamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na na sabay silang magpakuha ng dugo para sa drug test sa harap ng publiko.
“Set it in Luneta Park, magpakuha siya ng dugo doon [mula sa] independent entity or doctor. Magpakuha rin ako, sige pati ako. Pakuha siya ng blood test,” sabi ni Duterte sa isang press briefing sa Davao City.
Ayon pa sa dating Pangulo, isang Cabinet official din ang gumagamit umano ng cocaine kasama si Marcos at iginiit niyang nasa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency si Marcos, na una nang itinanggi ng PDEA.
Nangako rin si Duterte na ilalabas niya sa publiko ang listahan ng PDEA sa sandaling makuha niya.
Ang mga naging pahayag ng dating Pangulo ay kasunod nang naging paghamon ni House Speaker Martin Romualdez kay Duterte na maglabas ito ng katibayan upang mapatunayan ang kanyang mga alegasyon laban kay Marcos.
Wala pang pahayag ang Palasyo kaugnay sa hamon ni Duterte.
Kamakailan lang bago siya nagtungo sa Vietnam, sinabi ni Marcos na ayaw niyang patulan ang naturang isyu na gumagamit siya ng ilegal na droga.
Unang ginawa ni Duterte ang alegasyon na “bangag” at “adik” si Marcos sa ginanap na prayer rally sa Davao City noong Linggo kaugnay sa pagkontra sa people’s initiative na paraan ng pag-amyenda sa Saligang Batas.
Sinabi ni Marcos na maaaring naapektuhan na ng gamot na fentalyn si Duterte na iniinom umano ng dating Pangulo.
“It is highly addictive and it has very serious side effects,” saad ni Marcos tungkol sa fentanyl.