Isang babae ang inaresto ng mga ortoridad matapos umano niyang tangayin ang anak ng kanyang kasambahay na namasukan sa kanya noon sa Leyte.
Kinilala ang suspek na si Jovena Caduan na nadakip ng mga kawani ng Regional Special Operations Group ng NCRPO at ayon sa imbestigasyon, tinangay ng suspek ang bagong silang na sanggol ng kanyang kasambahay noong 2020 sa Leyte.
“May katulong silang babae na bagong panganak at kinuha nila ‘yung bata,” saad ni Police Captain Arniel Buraga, hepe ng Intel RSOG-NCRPO.
Matapos tangayin ay inirehistro niya ang bata bilang sarili niyang anak gamit ang mga pekeng dokomento at nagtago sa Quezon City.
Pangalan din umano ni Caduan ang inirehistro niya sa Philippine Statistics Authority bilang magulang ng bata na nakasaad sa birth certificate.
Kasalukuyang hawak na ng NCRPO ang suspek na nahaharap sa reklamong simulation of birth, pagpapalit ng isang bata sa isa pa, seryosong iligal na pagkakulong, at kidnapping na walang piyansa.
Kapiling na rin ng ngayon ng tatlong taong gulang na bata ang tunay niyang magulang sa Leyte.