Matinding pagsubok ang pinagdadaanan ngayon ng aktres na si Katrina Halili nang mapaulat na pumanaw na ang kanyang nobyong si Jeremy Guiab – na dating vice mayor ng Wao, Lanao del Sur — nitong nagdaang Linggo dahil sa heart attack.
Sa kanyang IG, ibinahagi ni Katrina ang larawan nila ni Jeremy kalakip ang kanyang mensahe para sa namayapang boyfriend.
“Ang daya mo love sabi mo aalagaan mo kami ni katie (crying emoji) bakit iniwan mo kami (crying emojis),” ang nakasaad sa caption ni Katrina.
Bukod dito nag-post din ang Kapuso star at “Black Rider” actress ng isa pang photo nila ng boyfriend sa kanyang IG Story na may mga broken hearts emojis.
Kung matatandaan, inamin ni Katrina sa isang panayam na meron nga siyang boyfriend na malapit din sa kanyang anak na si Katie na anak nila ni Kris Lawrence.
Ayon sa aktres, abot-langit nga raw ang pasasalamat niya sa guy dahil talagang tinutulungan siya nito sa pag-aalaga at pagpapalaki kay Katie.
“Siya ‘yung mas nagtuturo sa akin, kasi stubborn ako, ‘di ba? Stubborn din ‘yung anak ko.
“So medyo mahirap kaming dalawa, minsan nawawalan ako ng pasensiya, siya ‘yung mas kalmado. Tinutulungan niya ako talaga. Siya ‘yung mag-uusap, siya ‘yung kakausapin ako, kakausapin niya ‘yung anak ko,” sabi ni Katrina sa panayam.
Inamin din ng celebrity mom na mula raw noong maghiwalay sila ni Kris ay hindi siya nagkaroon ng relasyon at walong taon siyang single dahil talagang nag-focus daw siya kay Katie.
“Noong dumating si Katie, wala talaga, as in eight years ayoko talagang mag-boyfriend, ayokong mag-date. Wala, anything, work, work lang. Sabi ko ‘pag age ko ng 34, 35, kailangan meron na. Nangyari ‘yon,” sabi ni Katrina.