Masyado palang inabuso ang ating mga pampublikong guro dahil hindi lang pagtuturo ang ipanatatrabaho sa kanila ng Department of Education. Binigyan rin sila ng mga tungkuling wala namang kaugnayan sa pagtuturo at maraming taon nilang pinasan ang dagdag na trabahong ito. Mabuti na lamang at nasilip ang anomalyang ito ni Kalihim Sara Duterte at nabigyan sila ng lunas.
Inutusan ni Duterte nitong Biyernes ang lahat ng mga pinuno ng paaralang nasasakupan ng DepEd na tanggalin na ang mga tungkuling inatas sa mga guro katulad ng pamamahala ng mga kawani ng paaralan, pangangalaga sa mga ari-arian at pasilidad ng mga paaralan, at pamamahala ng finance at talaan.
Ipinatanggal rin ni Duterte ang pagsasagawa o pamamahala nila sa mga pagpapakain ng mga estudyante, paggawa ng plano para sa pagbabawas ng panganib mula sa mga sakuna at iba pang programa.
Ayon kay Duterte, pagtuturo lamang ang dapat atupagin ng mga guro nang sa gayon ay nakapokus sila ng husto at mas maiging matuturuan ang mga estudyante.
Sinabi rin niya na ang mga tungkuling tinanggal sa mga guro ay dapat gawin ng mga pinuno ng mga paaralan at mga kawaning hindi nagtuturo.
Maaari namang kumuha ng tauhan ang mga paaralan upang gumawa ng mga tinanggal na mga tungkulin sa mga guro.
Napakadakila pala ang mga guro sa sandamakmak na gawain nila kahit hindi naman nila toka ito. Matagal ring panahon nilang pinasan ang mga trabahong ito na kung bakit sa kanila ipinasa.
May tatlong buwan na ibinigay si Duterte sa mga pinuno ng paaralan na ilipat sa kanila, sa mga kawani o sa mga bagong tauhang kukunin ang mga administrative tasks ng mga guro.
Bagaman usong-uso ang multi-tasking sa mga trabahador, dapat ay may kaugnayan lamang sa pagtuturo ang ginagawa ng mga guro. Inaasahan na makaluluwag na sila ngayon ngunit kailangang manmanan ng DepEd kung susundin talaga ng mga prinsipal ang utos ni Duterte at tiyak na maipatupad ang utos sa lalong madaling panahon.
Mabuhay sa ating mga guro.