Inihayag ni Senador Imee Marcos nitong Linggo na mistulang tali ang mga kamay ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu ng pagsusulong ng pag-amyenda sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng People’s Initiative.
“Nagugulat lang ako. Kilala ko ang aking kapatid at parang nakatali siya. Hindi ko maintindihan paano nabihag ang aking kapatid sa mga kung ano-anong demonyo diyan,” saad ng senador sa isang panayam.
“Hay naku. Talagang hindi maganda itong mga pangyayari,” dagdag niya.
Kung matatandaan, inihayag ng senador noong Sabado na ipinagdarasal niya ang kaligtasan ng Pangulo mula sa mga “demonyo” at hiling rin niya na mapatnubayan ang kanyang kapatid sa pamumuno sa bansa.
Sinabi rin ng senador na marami umanong mga “demonyo” sa Malakanyang na maaari umanong iniimpluwensiyahan ang Pangulo kaugnay sa Charter change o Cha-cha.
“Ang tingin ko, pinalilibutan ang aking kapatid. Nu’ng bata ako, gano’n din naman eh. Sinabi ko rin na Malacañang is a snake-pit… Eh ‘yun ang tingin ko eh. Ganun talaga eh, talagang madaming amuyong kapag may kapangyarihan,” saad ni Senador Imee.
“Sana ang aking kapatid, ‘wag nang pansinin kasi lumaki na kami sa ganyan. ‘Wag makikinig sa mga demonyo sa Palasyo. Maraming demonyo diyan—dalawang paa at ‘yung iba naman mumu,” dagdag niya.