Itinanggi ni House Speaker Martin Romualdez ang mga alegasyon na siya ang nasa likod ng pagbibigay ng P20 milyon sa mga distrito na makakakuha ng mga pirma upang maisulong umano ang People’s Initiative na may layong amyendahan ng 1987 Constitution.
Giit ni Romualdez, wala umanong basehan at katotohanan ang mga naunang pahayag ni Senador Imee Marcos na mayroon umanong inaalok na P20 million sa mga distrito upang mangalap ng mga pirma na magsusulong sa Charter Change.
Ayon pa sa House Speaker, maaari umanong narinig lamang ito ng senadora sa mga bali-balita at tsismis.
Bukod pa rito, hinamon rin ni Romualdez si Imee na patunayan umano ang mga alegasyon nito at pinasinungalingan rin niya ang mga balitang nakausap niya ang pinsang senadora sa katunayan hindi sila nagkita nuong holiday season at walang pagkakataon na sila ay nag-usap.
Magkagayunman, nilinaw ng House Speaker na hindi umano siya nagtatampo sa senador at nirerespeto umano niya ang opinyon nito.
Bukas rin umano siya sa pakikipag-usap sa senador upang malinawan ang isyu.
Sa kabilang banda, sinabi ni Romualdez na hayaang magdesisyon ang taumbayan, respetuhin ang proseso ng Peoples Initiative.
Nitong nakaraan, iginiit ni Imee na ang opisina ni Romualdez ang nag-alok nang malaking halagang pera sa kada distrito para mangalap ng lagda para sa People’s Initiative at sa tanggapan din ng Speaker nanggaling ang timeline na pagsapit ng July 9 ay tapos na ang lahat.
Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ng Senado sa susunod na linggo si Marcos kaugnay sa mga alegasyon ng pagpapapirma sa taumbayan kapalit ng pera at hinimok ng senador na dumalo si Romualdez.
Paglilinaw naman ng Senadora na hindi ito sapilitan at kanila pa ring pinapairal ang inter-parliamentary courtesy sa lahat ng mga mambabatas pero giit niya, ang mga indibidwal sa likod ng umano’y mga suhol para sa pirma ay dapat matukoy. Maaari rin aniyang humantong ito sa kaso.
Layunin din umano ng ikakasang imbestigasyon na linawin ang batas sa mga pamamaraan ng people’s initiative.