Teknolohiya ang nakakapagpabilis ng mga prosesong manwal. Sa pangmatagalan, nakakamenos ito sa gastusin ng isang ahensya ng gobyerno sa pasweldo dahil mas mabilis nitong matapos ang trabaho na ginagawa ng ilang tao. Bagaman may gastos sa teknolohiya gaya ng mga makina at software, bawi naman ito sa mas kakaunting tauhan na mag-aasikaso rito at dapat paswelduhin. Marapat lamang na hindi na singilin sa taumbayan ang mas maigi at mabilis na serbisyo dahil ito naman ay dapat na ibinibigay ng pamahalaan.
Subalit hindi ganito ang pananaw ng mga nagpapatakbo ng byurukrasya. Kung anong ginhawa ng serbisyo na maiparamdam nila sa publiko sa tulong ng komputerisasyon ay may kaukulang bayad. Kaya naman ang Land Transportation Office ay naniningil ng P169 computer fee sa mga nagpoproseso ng mga papeles kaugnay sa renewal ng rehistrasyon ng sasakyang pribado at pampasada.
Nang ireklamo ng Federated Land Transportation Organizations of the Philippines ang pagbabayad ng computer fee sa Department of Transportation, tinanggal ito ni Kalihim Jaime J. Bautista. Subalit hindi ito naipatutupad ng husto dahil may ilang sangay ng LTO ang umano’y naniningil pa rin ng computer fee.
Kung kailangan talagang makibahagi ang publiko sa pagtugon sa gastos sa teknolohiya na ginagamit ng pamahalaan, siguro ay dapat maliit lamang ang bayad dito. Sa dami ng mga nakikipagtransaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng LTO, mababawi nila ang gastos sa maliit na halagang masisingil sa tao at babayaran ng taumbayan.
Kung P169 ang babayaran ng bawat isang tao na magpapa-renew ng rehistrasyon ng sasakyan at libu-libo ang bilang nila bawat araw, milyun-milyong piso ang kikitain ng ahensya sa computer fee pa lamang na makukubra nila. Sobra-sobra na ito sa pagbabayad ng makina at software na isang beses lamang bibilhin o gagastusin. Marahil ay dapat babaan ang singil sa computer fee kung hindi man kayang tanggalin ito ng lubusan para naman hindi mahirapan sa gastos ang mga mamamayan.
Sa iba pang singil ng sari-saring ahensya ng pamahalaan sa taumbayan, dapat na rin marahil tanggalin o itigil ang mga ito kung malaki naman ang matitipid sa gastos sa operasyon gamit ang teknolohiya.