Mahigit 6,300 katao ang nalinlang ng “pekeng kaibigan” sa Singapore noong nakaraang taon at sama-samang nawalan ng katumbas ng halos $16 milyon sa scam, ayon sa pulisya ng isla.
Sa nasabing scam, nakikipag-ugnayan sa mga biktima ang mga nagpapanggap na kaibigan o kakilala nila, at uutangan o hihingian sila ng tulong pinansyal.
Sinabi ng pulisya sa isang pahayag noong Martes na nagbigay ang mga biktima ng 21.1 milyong Singaporean dollar sa mga ganitong scammer mula Enero hanggang Nobyembre noong nakaraang taon.
Sa pinakahuling kaso, limang Malaysian ang napabalik noong Martes sa Singapore dahil sa pagkakasangkot nila sa scam na “pekeng kaibigan” at pagkubra ng $1 milyon sa mga biktima, pahayag ng pulisya, ayon sa Agence France-Presse.
Nilusob ng mga pulis ng Malaysia at Singapore ang dalawang apartment sa Johor state na nasa hangganan ng estadong isla, noong unang bahagi ng buwan sa isang magkasanib na operasyon.
Inaresto nila ang limang lalaki na may edad na 19 hanggang 36 dahil sa hinihinalang pagkakasangkot sa nasabing scam na nambibiktima ng mga Singaporean.
Ang mga lalaki ay kakasuhan ng conspiracy to cheat, ayon sa pulisya.
Naniniwala ang pulisya na ang sindikato ang may pananagutan sa mahigit 500 sumbong sa pulisya at pagkalugi ng mga biktima na umaabot sa mahigit 1.4 milyong Singaporean dollar mula noong Hunyo ng nakaraang taon.
Ang limang lalaki ay nahaharap ng hanggang 10 taon pagkakabilanggo at multa kung napatunayang nagkasala ng pagsasabwatan upang mandaya.
“Ang puwersa ng pulisya ng Singapore ay nakikipagtulungan nang malapit sa Royal Malaysia Police upang tuklasin at lumpuin ang mga transnational scam syndicate na ito na nambibiktima sa ating mga mamamayan,” sabi ni David Chew, direktor ng Commercial Affairs Department ng puwersa.