Limang dinukot na magkakapatid na Nigerian ang nailigtas matapos umalma ang publiko sa kanilang sinapit kabilang ang pagkamatay ng isa sa kanila, ayon sa pulisya.
Ang mga magkakapatid na babae ay dinukot ng mga armadong lalaki sa kanilang bahay na 25 kilometro ang layo sa Abuja noong Enero 1.
Pinatay ng mga kidnapper ang isang kapatid na babae, ang 21-anyos na si Nabeeha Al-Kadriyar, nang lumipas ang palugit sa pagbibigay ng ransom.
Iniligtas ng pulisya ng Federal Capital Territory at ng hukbo ang mga batang babae noong Sabado ng gabi sa kagubatan ng Kajuru sa kalapit na Estado ng Kaduna.
Naibalik na ang mga biktima sa kanilang pamilya, pahayag ng pulisya.
Kinumpirma ng isang pinsan ng mga batang babae sa Agence France-Presse na nakabalik na sila sa pamilya.
Ang pagkidnap ng mga bata para sa ransom ay isang malaking problema sa Nigeria. May mga kriminal na gang ang dumudukot ng biktima sa mga highway, apartment at maging sa mga paaralan.
Dinadala ng mga bandido ang mga biktima sa mga kagubatan.
Ang ilang mga eksperto ay naniniwala na ang pang-ekonomiyang sitwasyon ng bansa ang nagpapagtaas ng kaso ng kidnapping habang ang mga desperadong Nigerian ay ginagawa ito para kumita.
Ipinagbabawal ng batas ng Nigerian ang pagbabayad ng ransom sa mga kidnapper, ngunit maraming pamilya ang hindi gaanong naniniwala sa mga awtoridad at pakiramdam nila ay wala silang pagpipilian.
Ang pagkidnap sa 276 na mga mag-aaral mula sa Chibok sa hilagang-silangan ng Nigeria ng mga jihadist ng Boko Haram ay naging malaking balita sa buong mundo noong 2014, ngunit ang pang-araw-araw na pagdukot sa bansa ay bihirang makakuha ng mas maraming internasyonal na atensyon.