Isang lalaki na walang pamasahe at tatlong araw nang naglalakad mula Lucena City, Quezon papunta ng Goa, Camarines Sur para hanapin ang kaniyang pamilya ang nakatanggap ng tulong.
Kinilala ang lalaki na si Rudy Abad, 49-anyos na tubong Goa at nakita siya sa Tagkawayan, Quezon.
“Noong ilang oras na po ang nakalipas, pabalik na kami nakamotor, nakita ulit namin siya sa gilid ng kalsada naglalakad din po. Ang dami pong nagsi-sink in sa akin,” kuwento ng uploader na si Zein Corporal Espiritu.
Natulungan si Abad dahil sa kumalat na social media post, at nakarating sa Goa local government unit na agarang umaksyon para mapauwi siya.
Ayon kay Glenn Remedio, head ng MDRRMO Goa, nakikipag-ugnayan pa ang Goa LGU sa Highway Patrol Group ng Del Gallego.
Nagkaroon din ng initiative ang HPG ng Del Gallego na pasakayin si Abad sa isang bus company.
Pagdating niya sa Goa, pinakain si Abad at pinagupitan ng buhok.