Kahapon ay naiulat ang mabagal na daloy ng trapiko ng sasakyan sa pahilagang lane ng North Luzon Expressway bago mag- Balintawak Toll Plaza, mga alas 4:30 ng hapon. Iniugnay ang bigat ng trapiko sa konsyerto ng sikat na Amerikanong bandang Coldplay sa Philippine Arena sa Sta. Maria, Bulacan.
Hindi naman na nakakagulat ang perwisyong dulot ng traffic jam. Sa katunayan, normal na ito sa mga Pilipino.
Metro Manila ang numero unong siyudad sa buong mundo kung saan may pinakamasamang trapiko ng sasakyan, batay sa ulat ng TomTom Traffic Index. Sa pagsuri at pagsukat ng TTTI, 240 oras o 10 araw ang inilagi sa daan ng mga residente at bisita ng Metro Manila dahil sa pagkaipit nila sa mabigat at mabagal na trapiko nitong nakaraan taon. Tiniis nila ang 117 oras na mabagal na usad ng sasakyan sa rush hour o 19 kilometro kada oras, ayon sa Index.
Batay rin sa TTTI, inaabot ng 25 minuto at 30 segundo ang mga motorista ng Metro Manila na makalakbay ng 10 kilometro nitong nakapalipas na taon kumpara sa 24 minuto at 50 segundo noong 2022.
Ngunit hindi lamang ang dami ng sasakyan, kulang na daanan at espasyo at laki ng populasyon ng Maynila ang kinakaharap na suliranin sa transportasyon ng milyun-milyong motoristang Pilipino. Ang mga mananakay rin ay nabibiktima sa bagal ng daloy ng trapiko. Napipinto rin ang mahirap na paglalakbay dahil maaaring kulangin na ang mga jeepney na pumapasada sa daan para maghatid ng mga mananakay. Iyan ay dahil sa kontrobersyal na Public Utility Vehicle Modernization Program na magtatanggal hindi lamang sa mga luma at ma-polusyong jeepney sa daan kundi sa mga tsuper ng jeepney na tutol sa programa na nagdidiktang bumuo sila ng kooperatiba na uutang ng makabagong pampasaherong sasakyan na malinis ang buga ng usok.
Bunsod ang petisyon ng palugit na ibinigay ng gobyerno sa mga tsuper at operator ng jeepney na bumuo o sumama sa kooperatiba. Natapos na ang palugit at hanggang katapusan na lamang umano makakapasada ang mga hindi konsolidado dahil huhulihin sila at kukumpiskahin ang kanilang jeepney.
Damay na rin ang Korte Suprema sa gulo dahil kailangan nilang tugunan ang petisyon ng mga tutol sa PUVMP na ipatigil ang programa at sa mga hindi tutol dito.
Marami na rin kasing tsuper at may-ari ng mga jeepney na sumunod sa PUVMP at nakabuo na ng kani-kanilang kooperatiba at nakautang na ng milyun-milyong piso para makabili ng makabagong pampasadang sasakyan. Hinaharang ngayon nitong mga sumunod sa PUVMP ang petisyon ng mga kabarong tutol sa programa dahil sa pangambang maapektuhan sila kung ititigil ang programa.
Ano ang silbi ng modernisasyon kung maghihirap ang mga mananakay na makapaglakbay?