Ngayong mga panahon na ito ay nauuso na naman ang larong “lato-lato” o yung dalawang bilog na plastic na pinagtatama upang makagawa ng tunog.
Para sa mga batang 80s at 90s, hindi na bago ang laruang ito na sumikat sa Amerika at ang pagkakakilala pa nga sa laruan na ito ay “clackers” na gawa sa kahoy at plastic.
Yung nauuso kasi ngayon ay gawa na sa isang manipis na lubid kung saan nakakabit ang dalawang bolang plastic.
Kahit saan ka siguro lumingon ngayon ay may maririnig kang tunog ng lato-lato at ang ilang mga bayan sa mga probinsya at maging sa Kamaynilaan pa nga ay nagkakaroon na ng mga paligsahan nang patagalan sa pagpapatunog ng lato-lato.
Pero dahil uso na naman, nagbabala na sa publiko ang Food and Drug Administration (FDA) patungkol sa pagbili at paggamit ng nauusong laruan na lato-lato na may ilaw.
Ayon sa FDA, hindi sila nakasisiguro sa kalidad at kaligtasan ng naturang laruan.
Dagdag pa nito, hindi pa dumaan sa kanilang pagsusuri ang naturang laruan, at wala pa itong certificate of product notification na rekisito sa pag-apruba para ibenta sa merkado ang produkto.
Babala ng ahensya, posibleng mayroon itong materyales na peligroso sa kalusugan.
Kaugnay nito, inabisuhan din ng FDA ang mga establisyimento na itigil muna ang pagbebenta nito.
Hindi naman masamang maglaro o paglaruin ang mga bata ng lato-lato, pero dapat masiguro na ligtas mula sa kahit anong nakakasamang kemikal ang mga ito upang hindi naman makompromiso ang kalusugan at kaligtasan ng mga naglalaro nito.