Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na napalawig ng pamahalaan ang pagkuha ng serbisyong medical sa buong bansa dahil sa pagtatayo ng 131 sentro ng specialized healthcare sa pagtatapos ng 2023.
Ang mga nasabing sentro ay alinsunod sa Republic Act 11959 or Regional Specialty Centers Act na pinirmahan niya noong Agosto. Layunin ng nasabing batas na ilapit sa mga taga-malalayong lugar sa iba’t ibang rehiyon ang mga pagamutan.
Pararamihin pa ng pamahalaan ang bilang ng mga espesyal na pagamutan ngayong taon sa pamamagitan ng budget na P11.12 bilyon, ayon sa pangulo. Ang mga ito ay nasa mga pampublikong ospital at tumutugon sa mga may cancer, sakit sa baga at bato pati na ang pag-transplant ng bato, sakit sa utak at gulugod, trauma at paso.
Nagbibigay rin ang mga specialized facilities ng pangangalaga sa pinsala sa buto, pisikal na rehabilitasyon, panlunas sa nakahahawang sakit, toxicology, pangagalaga sa mental na kalusugan at katandaan, panganganak, dermatolohiya, at pangangalaga sa mata, ilong, tainga at lalamunan.
Subalit hindi lamang ang pagkakaroon ng maraming pasilidad pangmedikal ang kailangan maitaguyod. Dahil halos lahat ng mamamayan o bawat isa sa mahigit 110 populasyon ng bansa ay kailangang maging malusog, pinakamaigi na madali ring gamitin ang benepisyo mula sa PhilHealth sa kahit anong karamdaman at kahit saang ospital nang hindi kinakailangang maipasok muna bilang pasyente.
Ang PhilHealth ay dapat na magamit ng mga miyembro kahit sa pribadong ospital sa pagpapakonsulta, pagpapagawa ng laboratory test at pagbili ng gamot katulad ng ordinaryong health card. Hindi naman lahat ng karamdaman o konsultasyon ay dapat na ipa-ospital para lang magamit ang benepisyo sa PhilHealth.
Sa mga may ordinaryong trangkaso, sapat na na magamit ang benepisyo upang makabili ng simpleng gamot para dito sa anumang botika gamit lamang ang PhilHealth card. Ang mga naaksidente na kailangan magpasuri ng pinsala sa buto ay dapat ring makapagpa-MRI gamit ang PhilHealth benefits sa abot-kayang halaga dahil napakamahal ng singil ng mga ospital sa MRI scan.
Maraming miyembro ang hindi mapakinabangan ang hulog sa PhilHealth dahil ang kung may simpleng karamdaman ay kailangan pang maging pasyente muna sa ospital bago magamit ang kanilang benepisyo.
Kailangan kaya mangyayari ito?