Patay ang tatlong teroristang mula sa Lebanon na umatake sa Israel upang ipaghiganti ang pamamaslang sa isang lider ng grupong Hamas.
Sugatan rin ang limang sundalong Israeli na nakipaglaban nitong Linggo ng gabi sa mga miyembro ng Kataeb Al-Ezz Al-Islamiya.
Matapos ang labanan, sinundan ng hukbong Israel ng pambobomba sa mga posisyon ng teroristang grupo ng Hezbollah sa Lebanon matapos nitong tirahin ng missile ang isang bahay sa pamayanan ng Kfar Yuval malapit sa border ng dalawang bansa na ikinasawi ng mag-inang Israeli.
Ang mga biktima ay isang 70 anyos na ina at ang kanyang anak na lalaki.
Dumalas ang labanan ng mga tropang Israeli at mga teroristang Hezbollah sa hangganan ng Israel at Lebanon kasunod ng digmaan sa Gaza ng mga teroristang Hamas at militar ng Israel simula noong Oktubre 8.
Samantala, limang Palestino ang nasawi sa West Bank na okupado ng Israel nitong Linggo.
Dalawa sa mga nasawi ay binarily ng mga sundalong Israeli nang banggain nila ng kotse ang checkpoint malapit sa siyudad ng Hebron.
Kinumpirma ng ministry of health ng Palestine sa Ramallah at Palestinian Red Crescent Society ang mga napatay na Palestino.