Marami ang nakapansin na tila ba may sariling mundo ang Kapamilya love team na sina Francine Diaz at Seth Fedelin.
Panay kasi ang kuwentuhan at bungisngisan ng dalawa habang nagaganap ang grand media conference nila para sa iWantTFC series nila na Fractured nitong September 6.
Habang sumasagot sa tanong ng entertainment press ang ibang cast members, nag-e-enjoy naman sa kanilang mga pasimpleng usapan ang FranSeth tandem.
Kaya naman nang makatsikahan na sila ng press people ay nausisa sila tungkol dito. Ramdam na ramdam kasi ng mga nakakapansin ang pagka-cozy nila sa isa’t isa.
Ayon kay Francine, nasanay lang daw sila ng ka-love team na palagi silang nag-uusap kaya raw may mga nagsasabi na tila may sarili silang mundo.
“Actually po, marami kang napapag-usapan. Kaya kapag ganito ’yong event ‘may sariling mundo’ is because sa sobrang lagi kaming magkasama ang dami naming pinag-uusapan. I think doon naka-base ’yong friendship namin,” nakangiting sagot ng aktres.
Hirit naman ni Seth, ang pinag-uusapan nila ni Chin [nickname ni Francine] ay tungkol pa rin naman daw sa kanilang upcoming digital series.
“Saka ang pinag-tsitsikahan naman namin tungkol naman dito sa Fractured,” he said.
And speaking of the project, medyo matured na ang roles dito ni Francine at Seth compared sa mga dating roles na ginawa nila from their previous TV series.
Kaya naman natanong ng entertainment press ang dalawa kung ready na ba silang sumabak sa kissing scene.
Nagkaroon na kasi ng kanilang first on-screen kiss ang magka-love team at co-stars nila sa series na sina Jeremiah Lisbo at Kaori Oinuma.
Sagot ni Seth, game naman daw siya rito kung kinakailangan sa eksena pero mas gusto umano n’yang si Francine ang mag-decide.
“Siguro si Chin ang sasagot n’yan. Kay Chin ko po ibibigay [ang desisyon]. Kung ano pong desisyon n’ya,” lahad ng 21-year-old Kapamilya actor.
Hindi naman na-pressure dito si Francine at sinabi lang na, “We’ll see po.”
Bawi naman ni Seth, ang mother daw ni Chin na si Mommy Merdick ang nakakapagpasya sa bagay na ito kung papayagan na ba nito ang kanyang 19-year-old daughter.
“Kung anong desisyon ni Tita. Kay Tita muna tayo siguro,” nakangiting sabi ng aktor.
Isa pa sa napansin ng press people ay ang pagiging komportable nina Seth at Francine sa isa’t isa. May mga moment nga nagli-lean pa ng ulo ang aktor sa balikat ng kanyang on-screen partner.
Because of this, nausisa sila kung ano na ba ang real score sa kanilang dalawa.
Sa pagkakataong ito, nagpakatotoo si Seth.
“Aminin na natin. Maging totoo naman tayo. Araw-araw naman po siguro nag-i-improve naman po ’yong samahan namin. Nakikilala ko si Chin, nakikilala n’ya ang ugali ko. So araw-araw may progress kami,” lahad n’ya.
At kahit kinakikiligan ng kanilang fans ang closeness nila, hindi pa umano sila magkasintahan.
“To be honest po, wala pa kami doon sa iniisip ng marami na ganito, ganyan,” paglilinaw n’ya.
E, nangangahulugan ba ito na nanliligaw na s’ya sa dalagang aktres?
“Hindi po. Siguro ang liligawan ko si Tita. ’Yon muna,” tugon ni Seth na ikinatawa ng lahat.
Sa ngayon, ini-enjoy lang daw nila ang pagkakataon na naging magka-love team sila ni Francine.
“Ako po, personally, gusto ko makatrabaho si Francine nang matagal,” hiling ng young actor.
Ganu’n din naman daw si Francine pero gusto rin umano n’ya na bumongga pa ang kani-kaniyang career ni Seth.
“Hopefully po magtagal ang love team at pagsasamahan namin pero personally, I’m hoping din po na mag-grow kami nang solo din kahit love team kami,” lahad ng aktres.
Mapapanood sina Francine at Seth, kasama sina Kaori Oinuma, Jeremiah Lisbo, Daniela Stranner, Raven Rigor, Sean, KaladKaren Davila, Mylene Dizon, at marami pang iba, sa mystery-thriller series na Fractured simula September 15 sa iWantTFC.
(pikapika.ph)