Dodoblehin ng kapulisan ng Sri Lanka ang bilang ng aresto sa kampanya nito laban sa bawal na gamot.
May nahuli nang 30,000 hinihinalang sangkot sa pangangalakal ng ilegal na droga sa kontrobersyal na kampanyang “Yuktiya” o hustisya na nagsimula nitong Disyembre.
Kahapon ay inilunsad ng pulis ang ikalawang yugto ng kampanya na naglalayong umaresto ng 42,248 iba pang suspect.
“Lahat ng istasyon ng pulis ay magtatrabaho ng 24 oras kada araw ng isang buwan upang arestuhin ang 42,248 at dalhin sila sa hustisya,” pahayag ng kapulisan.
Samantala, binatikos ng ahensya sa karapatang pantao ng United Nations ang kampanya dahil sa hindi otorisadong paggalugad, arbitrayong pag-aresto at pagkulong, pagmamaltrato, pagkakapkap sa publiko at pagpapahirap.
Ang mga pagsugod ay walang search warrant, at pati mga nagtitinda at gumagamit ng droga ay hinuli rin at dinala sa mga sentro ng rehab na pinatatakbo ng militar.
Pati mga abogado ng mga nakadetineng suspect ay tinatakot umano ng mga pulis.
Hinimok ni UN high commissioner for human rights Volker Turk ang pulis ng Sri Lanka na gawing naaayon sa karapatang pantao ang pamamaraan ng paglaban sa ilegal na droga.
Ayon kay Turk, hindi solusyon sa ilegal na droga ang marahas na paraaan ng pagpapatupad ng batas.
Isang aktibista sa karapatang pantao, Ambika Satkunanathan, ay nag-akusang hindi batay sa ebidensya ang paghahalughog kundi tinatarget ang mga mahihirap na lugar at di pinapansin ang mga malalaking nagtatrapiko ng droga.