Nitong nakaraan ay lumutang ang mga bali-balitang mayroon umanong namumuong destabilisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sa tingin naming ay pawang mga haka-haka lamang.
Kung matatandaan, nagpahayag ng suporta at loyalty ang liderato ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa Pangulo at iginiit nila na hindi sila sangkot o sasali sa mga balitang destabilisasyon.
At ang nakakatawa pa, may mga bali-balita na si dating Pangulong Rodrigo Duterte umano ang isa sa mga sangkot sa sinasabing destabilization plot laban kay Marcos.
Nakakatawa, dahil ano ba ang mahihita ng dating Pangulo kung ma-destabilize ang administrasyong Marcos? Sa ganang amin, wala.
Nitong nakaraan rin ay may lumutang na mga umano’y “secret meeting” na isinagawa umano ni Duterte, pero gaya ng mga matitinong tao, ginawa ng dating Pangulo ang nararapat: Nanahimik ito dahil wala naman itong katotohanan.
“For what purpose? To replace Marcos? I am comfortable with Marcos. Why would I replace him? And who am I to replace him at this time of my life,” saad ng dating Pangulo nang idawit ang kanyang pangalan sa destabilization plot.
“It is all their insecurity, maybe? It is all in the mind. It is either they are bullshitting around – or is it their insecurity? There are a lot of stupid people around. But for myself, I am quite content with what I achieved for myself, for my family and for my country. In the first place, what would be my objective? Nothing,” dagdag pa niya.
Sang-ayon kami sa tinuran ng dating Pangulo, dahil una sa lahat, wala nang kailangan pang patunayan si Duterte dahil noong panahon ng kanyang administrasyon ay talagang isinulong niya ang mga programang makakatulong sa bansa.
At kahit pa nabatikos siya dahil sa mga umano’y extrajudicial killings nang ilunsad ng kanyang administrasyon ang war on drugs, hindi maikakailang nalinis ang mga kalsada natin mula sa mga adik na dating naglilipana.
Bumaba ring ‘di hamak ang mga krimen na illegal drugs-related.
Sa tingin namin, ang mga tsismis na ito ay ipinapakalat ng mga kalaban ng administrasyong Marcos upang guluhin lamang ang pamahalaan.
Ang paniniwala namin: Walang destabilization plot. Yun lang.