Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado na wala na umanong active guerilla front ang armed wing ng Communist Party of the Philippines na New People’s Army at ayon sa Pangulo, mas paiigtingin pa ang kampanya laban sa mga rebelde.
“Last year, nakapag-neutralize tayo ng 1,399 of communist and local terrorist groups. Nakakuha tayo ng 1,751 firearms, through capture, confiscation, and recovery or surrender,” saad ng Pangulo sa isang social media post.
“Ngayon maaari na nating mai-report na wala nang active NPA guerrilla fronts as of December of 2023,” dagdag niya.
Ang naging pahayag ng Pangulo ay kasunod nang mga naging pahayag ng Armed Forces of the Philippines at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na humihina na umano ang puwersa ng mga rebelde.
Kung matatandaan, Nobyembre ng nakaraang taon nang mag-anunsyo ang pamahalaan at ang National Democratic Front – na nirerepresenta ang CPP-NPA sa political arena – na nagkasundo silang buksang muli at ipagpatuloy ang peace negotiations at pumirma sa isang joint statement para sa isang “principled and peaceful resolution to the armed conflict.”
Sinabi rin ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. na mayroon na lamang 20 “weakened fronts” ang NPA at inaasahang liliit pa ito sa pagtatapos ng 2023.
Nitong January 3 2024, iniulat ng NTF-ELCAC na ang mga NPA active guerilla fronts ay mas kumaunti pa dahil nasa 14 na lamang ang natitira.
Ayon naman sa Pangulo, ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagdurog sa mga guerilla fronts at mas pinalalakas pa ngayon ang puwersa ng kapulisan at militar upang bantayan ang internal security ng bansa.
“These accomplishments underscore our steadfast commitment to peace and stability,” sabi ni Marcos.
Nitong nakaraan rin ay nagbigay ng amnestiya ang Pangulo sa mga rebelde kabilang na ang mga dating miyembro ng CPP-NPA-NDF upang mahikayat silang magbalik-loob na sa pamahalaan.