Inihayag ni House Minority Leader at 4Ps party-list Representative Marcelino Libanan na mayroon umanong prerogative ang Kongreso na magbigay ng appropriations sa case-to-case basis para sa mga state universities and colleges kung nais nilang ipagpatuloy ang pag-aalok ng senior high school program.
Ayon kay Libanan, maaari umanong isa-isahin ng Kongreso ang mga subsidiya para sa SUCs sa taunang budget kung ang isyu lamang umano ang pagpopondo para mapanatili ang SHS program sa SUCs.
Ginawa ni Libanan ang pahayag matapos maglabas ng memorandum ang Commission on Higher Education na nag-uutos sa mga SUC at local universities and colleges na ihinto ang pag-aalok ng programa dahil natapos na ang K to 12 transition period na bahagi naman ng legal na batayan para sa kanila para tumanggap ng SHS students.
Ayon naman kay CHED chairperson Prospero de Vera III, hindi umano biglaan o arbitrary ang memorandum sa paghinto ng SHS program sa SUCs at LUCs, na inilabas noong Disyembre 18, 2023, dahil ang Academic Year 2023 hanggang 2024 ay patuloy pa rin at wala din aniyang naganap na displacement ng mga mag-aaral.
Iniulat niya na ang paghinto ng mga SHS program sa mga SUC at LUC ay ginagawa na sa nakalipas na 3 taon.
Nagkaroon din ng kasunduan ang CHED at ang DepEd na ang mga pampublikong unibersidad ay maaaring mag-alok ng senior high school program sa panahon ng transition at ang mga mag-aaral ay may subsidiyang maaaring ma-avail sa pamamagitan ng voucher program.