Umaray ang maraming nadisgrasya ng paputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon. Marami ang sinisisi sa pagkasugat ng mahigit 500 tao sa paputok kahit pa marami ang nakumpiskang bawal na firecrackers ng mga pulis sa mga checkpoint.
Tinatayang P3.6 milyong halaga ng ilegal na paputok ang nasabat ng mga pulis ngunit hindi pala ito sapat upang mapigilan ang disgrasya. Ibig sabihin ay marami ang nakalusot na paputok. Hindi naman masisisi ang mga pulis dahil hindi lahat ng tao ay mababantayan nila.
Napansin ng pamunuan ng Philippine National Police na ang pagbebenta ng mga ilegal na paputok sa social media ay isang dahilan kung bakit marami ang nagpaputok at naputukan. Humihingi ngayon ang PNP ng tulong sa Kongreso upang magkaroon ng batas para tugunan ang ganitong transaksyon sa social media.
Mukhang masalimuot kung paano mapipigilan ang buy and sell ng mga ilegal na produkto sa Facebook, X at iba pang social media. Milyon-milyon ang gumagamit ng nasabing mga online platform sa paghahanapbuhay at kakailanganin ng napakaraming tao na magmamanman ng mga bentahan ng bawal na produkto sa online marketplace na walang-humpay na nangyayari, araw at gabi.
Bukod sa mga ilegal na bentahan online, batid rin ng PNP ang ilegal na paghahatid ng mga bawal na produkto sa mga motorsiklo. Mahirap ring tutukan ang libu-libong delivery riders. Sa Metro Manila pa lang ay aabot na sa 30,000 ang bilang ng mga riders na nakarehistro sa isang ride-sharing app at naghahanapbuhay sa pamamagitan ng paghahatid ng mga pasahero, pagkain o produktong nabili sa online na tindahan.
Ayon sa pinuno ng PNP, Gen. Benjamin Acorda Jr., dapat saklaw ng gagawing batas laban sa ilegal na online na bentahan ang mga rider na nagde-deliver ng mga biniling produkto sa mga online na tindahan. Ito ay dahil ang mga nabiling paputok sa online ay inihatid sa mga namili sa pamamagitan ng mga rider courier.
Sakaling paiigtingin ng PNP ang paghuli ng mga pasaway na rider na naghahatid ng mga bawal na produkto, malamang na sandamakmak na eksena ng habulan ng mga pulis at naghahabal-habal ang makikita sa mga kalye.