Inaresto ng mga pulis sa Nepal kahapon ang isang banal na lider na binansagang “Buddha Boy” ng kanyang mga tagasunod dahil sa paniniwalang siya ang reinkarnasyon ni Buddha.
Naaresto si Ram Bahadur Bomjan, 33 anyos, dahil sa mga reklamong pananakit at pangmomolestiya ng ilan sa kanyang mga tagasunod, ayon sa tagapagsalita ng pulis na si Kuber Kadayat.
Matagal nang nagtatago si Bomjan na sinasabi ng kanyang mga tagasunod na nakakapagmuni-muni ng ilang buwan nang hindi gumagalaw, umiinom, kumakain o natutulog.
May mga sinampang kaso ng pambubugbog laban kay Bomjan noong 2010. Sinaktan niya umano ang kanyang mga biktima dahil inistorbo nila ang kanyang meditasyon.
Sa isa namang reklamo na isinampa laban sa kanya noong 2018, ginahasa niya umano ang isang 18-taong-gulang na madre sa isang monasteryo.
Mayroon ring pamilya ang nagsampa ng reklamo laban sa kanya noong 2019 dahil umano siya ang dahil kung bakit nawala ang apat na kasapi ng mag-anak sa isa niyang ashram o monasteryo.
Isa pang reklamong panggagahasa ang isinampa laban kay Bomjan sa siyudad ng Sarlahi noong 2020.
Dahil sa mga kaso ay nagtago siya hanggang sa matunton at maaresto kahapon.