Ibinahagi ng aktres at cosplayer na si Myrtle Sarrosa ang pinakamagandang regalo para sa kanya nang lumabas siya sa “Fast Talk” ni Boy Abunda nitong Biyernes.
“The greatest gift is really forgiveness,” pahayag ni Sarrosa na gaganap sa GMA Afternoon Prime Series na “Makiling.”
Nasabi niya ito dahil sa naramdaman niya nang humingi ng tawad sa kanya ang kaklaseng bumu-bully sa kanya dati.
Ikinwento ni Myrtle kay Boy Abunda ang karanasan niya bilang bagong estudyante sa isang grade school at may kaklase siya na pinuntirya siyang i-bully.
“Nung time na ‘yun she heavily convinced everyone sa class na not to talk to me, not to speak to me,” pag-alaala ni Myrtle, ayon sa GMA News Online.
Dahil doon, na-trauma umano siya sa pagpasok sa eskwela.
Nang maikwento niya ang dinanas niyang bullying sa isang reality TV show, ito aniya ang dahilan kung bakit hirap siyang makipagkaibigan.
Matapos manalo sa nasabing patimpalak ay umuwi siya sa Iloilo at tumuloy sa isang hotel.
“When I entered the room, she was there, siya ‘yung nag-prepare ng hotel room ko,” sabi ng Sparkle artist na tinutukoy ang dating kaklaseng nam-bully sa kanya, ayon sa GMA News Online.
Mangyari ay napanood niya ang pag-open up ng artista sa bullying.
Sa pagkikita nila, humingi ng tawad sa kanya ang dating kaklase at nagkabati ang dalawa.
Samantala, tampok si Myrtle sa “Makiling” bilang Portia na hangad makuha ang pambihirang halamang Mutya.
Kasama ni Myrtle sa palabas sina Elle Villanueva at Derrick Monasterio.
Magsisimula ang palabas sa Enero 8.