Inihayag ng Office of the Civil Defense na nagsilbi umanong eye-opener ang pagtama ng magnitude 7.6 na lindol sa malaking bahagi ng Japan nitong Enero 1, 2024.
Sinabi ni OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na ang pagtama na ito ng malakas na lindol sa Japan ay isang paalala na dapat ay tuluy-tuloy ang ginagawang pagsusumikap ng ating bansa sa paghahanda laban sa mga banta ng lindol at iba pang kalamidad o krisis na posibleng tumama sa Pilipinas sa pamamagitan ng whole-of-government at whole-of-nation approach.
Dagdag pa niya, mahalaga umano ang pagkakaroon ng collective effort sa prevention, mitigation, at preparedness activities ng pamahalaan para sa layuning pagbuo ng isang ligtas at disaster resilient na bansa.
Samantala, kasabay nito ay nagpahayag din ng kahandaang tumulong ang OCD kasama ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan para sa response operations ng Japan bilang pagtugon na rin sa naging pronouncement ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sabi ni Nepomuceno, magpapatuloy ang kanilang tanggapan sa pagmomonitor ng sitwasyon at pagsasagawa rin ng kaukulang arrangement para sa anumang suportang maaaring maipaabot ng Pilipinas.