Hindi bababa sa 40 tao ang nasunog at namatay nang sumabog ang isang tumumbang trak ng gasolina sa Totota, Liberia nitong Martes.
Ayon kay Francis Kateh, chief medical officer ng Liberia, mahirap tukuyin ang mga pagkakakilanlan ng mga namatay dahil karamihan sa kanila ay naabo.
Sinabi rin ni Kateh na maaaring tumaas pa ang bilang ng mga namatay.
Kasalukuyang naghahanap pa ng mga bangkay sa mga nasunog na kabahayan sa lugar ng aksidente.
Marami rin ang nasugatan, ayon kay Prince Mulbah ng Liberia National Police.
Dose-dosenang indibidwal ang dinala sa ospital upang gamutin ang matinding mga paso sa kanilang katawan, aniya.
Sumalubsob ang trak sa isang kanal ng isang kalsada sa Totota, batay sa ulat ng Agence France Presse nitong Huwebes.
Sunod na dinumog ng tao ang tumumbang tanker at tinabo ang tumatagas na gasolina.
Batay sa isang saksi, inakyat ng mga tao ang ibabaw ng trak para kumuha ng gasolina, habang ang ilan sa kanila ay pinaghahahampas ng bakal ang tanker para tumagas ang laman at makakuha rin sila.
Ang iba pa umano sa kanila ay gumagamit ng screwdriver para butasan ang tangke.
Pinagsabihan sila ng driver ng trak ang mga tao na huwag sumampa at butasin ang tangke at sa halip ay sumalok na lamang sa tumutulong gasolina.
Ngunit pasaway ang mga tao at ilang saglit lang ay sumabog ang trak.