Binabaha ng liham para kay Santa Claus mula sa mga bata at matatanda ang tanggapan ng koreo sa Sweden taun-taon. Nitong nakaraang taon, nasa 16,000 liham para kay Father Christmas ang natanggap ng PostNord, ayon sa ulat ng Agence France Presse.
Ang mga liham na humihiling ng regalong pamasko ay naka-address papuntang “Lapland,” “Reindeer Land,” at “Santa’s Igloo” na pinaniniwalaang tahanan ni Santa Claus.
Mula sa mga liham na ito, namimili ang post office ng ilang natatangi o standout na inilalagay nila sa arkibo ng Postmuesum sa Stockholm. Ang naturang koleksyon ay umabot na sa 10,000 liham na mula sa iba’t ibang bansa, kabilang ang pinakalumang liham na ipinadala taong 1890 pa.
“Ang mga ito ay mula sa US, sa Asia. Mayroon dito na galing sa Taiwan,” pahayag ni Kristina Olofsdottermula, pinuno ng selyo ng PostNord.
Ayon kay Olofsdottermula, mas mahaba na ang wish list ng mga lumiliham ngayon kumpara noon.
“Sa mga lumang liham, ang mga bata ay humihiling ng isa o dalawang regalo,” aniya.
Ang madalas umanong hilinging regalo ng mga bata ay mga laruan, alagang hayop at libro.
Sinuguro ng post office na ang mga ipinadadalang liham ay binubuksan at binabasa. Kapag may return address, nagpapadala ang museo ng sagot.
Sabi ni Olofsdotter, ang kadalasang tugon nila ay: “Hi, from Santa,” na may kasama ding pasasalamat.
Sinasabi rin ni Santa na marami pa siyang mga gawain hanggang Pasko at kanyang na-a-appreciate ang pagpapadala ng bata ng sulat.
Ani Olofsdotter, sa gantong paraan ay napapasaya nila ang araw ng isang bata. Pinapaalala rin ng museo sa kanila na maaaring matupad ang mga pangarap nila kapag naniwala sila sa kanilang sarili.
Samantala, hindi lang mga bata ang nagpapaabot ng liham kay Santa. Ngayong taon daw kasi ay nakatanggap sila ng liham mula sa Taiwam na isinulat ng isang 20 anyos.