WASHINGTON (AFP) — Umiskor si Joel Embiid ng season-high na 51 puntos at humakot ng 12 rebounds para magawa ang mga tagumpay na hindi nakikita sa loob ng mahigit kalahating siglo nang talunin ng Philadelphia 76ers ang National Basketball Association-best Minnesota, 127-113.
Ang reigning NBA Most Valuable Player ang nagpasigla sa Sixers (19-8) sa kanilang ikapitong tagumpay sa walong laro at pinutol ang apat na sunod na panalo ng Western Conference-leading Timberwolves, na bumagsak sa 20-6.
Si Embiid ang naging unang NBA player na may 12 sunod-sunod na laro na 30 o higit pang mga puntos at 10 o higit pang mga rebound mula noong Kareem Abdul-Jabbar noong 1972.
Siya rin ang naging unang 76er mula noong Wilt Chamberlain noong 1967 na may tatlong magkakasunod na laro na 40 o higit pang puntos at 10 o higit pang rebounds.
“He does it every night so consistently,” saad ni 76ers guard Tyrese Maxey sa performance ni Embiid. “We expect it of him and he goes out there and performs every single night.”
Si Embiid, ang nangungunang scorer ng NBA sa 34.4 puntos kada laro, ay nagsabi na ang tagumpay ay naghiganti sa pagkatalo sa Minnesota noong nakaraang buwan nang hindi siya makapaglaro dahil sa pinsala sa balakang.
“That’s one of the best teams in the league and the best in the West,” sabi ni Embiid. “We felt like we had to get them back and I’m glad everybody just showed up.”
“To start the third quarter, we had some rough patches, but we stuck together and we kept pushing and we got the win,” dagdag niya.