Mga tsuper ng jeepney ang tinaguriang hari ng kalsada. Hindi naman kaila na jeepney ang pangunahing sasakyang pampubliko dahil sa ito ang pinakamadami na gumagamit ng kalsada sa buong bansa. Mas marami pa rin ito sa mga bus at taxi na naghahatid ng mga pasahero ngayon kaya maituturing pa rin silang hari ng kalsada.
Ngunit tila patapos na ang paghahari ng mga jeepney sa kalsada dahil sa programang modernisasyon ng transportasyon ng pamahalaan. Naririyan na ang tinatawag na modern jeepney na de-erkon at sinasabing mahina ang emisyon kumpara sa mausok na mga jeepney dahil sa kanilang makinang euro. Ito ang pumapalit sa mga tradisyunal na jeepney na mula pa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas noong 1945 ay sinasakyan na ng mga mamamayan.
Sa ilalim ng programang modernisasyon, hanggang katapusan ng taon na lamang maaaring pumasada ang mga tradisyunal na jeepney na pag-aari at minamaneho ng mga operator at tsuper na hindi kabilang sa isang kooperatiba. Hindi na bibigyan ng LTFRB ng prangkisa ang mga nasabing jeepney operator at tsuper. Ang mga magpipilit pumasada nang walang permit ay kolorum, huhulihin ng mga taga-LTO, i-impound ang mga sasakyan at pagmumultahin simula Enero 1, 2024.
Ito ang tinututulan ng mga nagwewelgang operator at tsuper. Ayon sa mga grupong nagtigil pasada, mawawalan ng trabaho ang libu-libong tsuper ng tradisyunal na jeepney kung ipatutupad ng gobyerno ang palugit sa kanila na bumuo ng kooperatiba. Inaasahan nila na ang kanilang kilos protesta ay kukumbinsi sa pamahalaan na palawigin ang palugit.
Humihiling sila sa korte na pigilan nito ang LTFRB sa pag-phase out ng mga tradisyunal na jeepney.
Sakaling manaig ang kagustuhan ng gobyerno na repormahin ang mga pampublikong sasakyan upang umayon sa panuntunan sa emisyon at polusyon, hindi naman lubusang mawawala na ang kinagisnang sasakyan ng bayan. Magiging moderno lamang ito kaya naman mananatili pa ring hari ng kalsada ang mga tsuper ng jeepney.
Ngunit sila’y mga bagong hari ng kalsada na dahil bago na ang kanilang mga sasakyan at kalakaran. Ang mga tradisyunal na jeepney, kung pinapasada naman ng kooperatiba, ay mabibigyan pa rin ng prangkisa at hindi agad tatanggalin sa daan. Mananatili ang mga ito hanggang sa katapusan ng 2024 o pagdating ng kanilang modern jeepney.
Ang makabagong jeepney ay ebolusyon lamang ng tradisyunal na jeepney kaya ang mga ito ay hari pa rin ng kalsada. Sa mga magpupundar at magmamaneho nito, sila ang bagong hari ng kalsada dahil magkakaroon na sila ng regular na sahod at mga benepisyong katulad ng mga nakukuha ng mga pangkaraniwang manggagawa sa mga kumpanya dahil sa pagiging kooperatiba nila.
Sa maayos nilang hanapbuhay ay magtatamasa sila ng dignidad at maayos na buhay.