Ang hukbong-dagat ng siyam na bansa ay sumanib sa pwersa ng Estados Unidos na pumoprotekta sa mga naglalayag sa Red Sea dahil sa banta ng mga rebelde ng Yemen na bombahin ang mga barkong patungo sa Israel.
Ang mga bansang sasali sa Combined Maritime Force ng Amerika ay ang Britanya, Bahrain, Canada, Pransya, Italya, Netherlands, Norway, Seychelles at Espanya, ayon sa Department of Defense sa Washington.
Magiging tungkulin ng mas malakas na CMF ang siguruhin ang kalayaan sa paglalayag sa Red Sea kung saan 12 porsyento ng pandaidig na kalakal ay dumadaan, ngunit ngayon ay ginugulo ng mga Houthi ng Yemen.
Sinabi naman kahapon ng tagapagsalita ng mga rebeldeng Houthi na hindi sila hihinto sa pag-atake ng mga barko na patungo sa Israel kahit buong mundo ang magbabantay sa Red Sea. Sinabi ni Mohammed al-Bukhaiti na hihinto lamang sila kung titigil ang mga krimen ng Israel sa Gaza at maipasok roon ang pagkain, gamot at panggatong para sa mga mamamayang Palestino.
Nitong Lunes, tinira ng mga Houthi ang barkong Swan Atlantic na pag-aari ng Inventor Chemical Tankers ng Norway at MSC Clara ng Mediterranean Shipping Company. Sinabi ng ICT na walang kaugnayan sa Israel ang kanilang barko at walang nasaktan o nasugatan sa mga marino ng Swan Atlantic na may kargang biofuel feedstock.
Samantala, nadagdagan ang mga kumpanyang tumigil ng pagpapadaan ng kanilang barko sa Red Sea upang makaiwas sa atake ng mga Houthi.
Inanunsyo nitong Lunes ng BP ng Britanya at Evergreen ng Taiwan na suspendido ang kanilang operasyon sa Red Sea. Ang Frontline naman, na may mga barkong tanker, ay nag-iba ng ruta at dadaan na lamang sa Cape of Good Hope sa South Africa patungo sa Europa imbes na sa Suez Canal dumaan.
Sinuspinde rin ng CMA CGM ng Pransya, Hapag-Lloyd ng Alemanya, Euronav ng Belgium at AP Moller-Maersk ng Denmark ang paggamit sa Red Sea.