Nananatiling aktibo ang Palawan Provincial Health Office (PHO) sa paglaban sa dengue sa iba’t ibang munisipalidad, kabilang ang pagsasagawa ng mga “misting” operations sa mga lugar na may napaulat na pagtaas ng kaso.
Kasabay din ng mga operasyon ay ang patuloy na pagbibigay impormasyon at pangangampanya ng awtoridad ukol sa mga health protocols kung paano maiiwasan ang dengue.
Mula Enero hanggang 15 Hulyo, nakapagtala ang Palawan ng 4,100 dengue cases mula sa datos ng PHO. Ang bayan ng Taytay ang may pinakamataas na bilang ng kaso.
Tiniyak ng Provincial Health Officer ng Palawan na si Dr. Faye Erika Labrador ang tuloy-tuloy na pagmonitor ng pagtaas ng kaso ng dengue.
Nananawagan si Labrador ng pagtutulungan at pagkakaisa sa mga Palaweños.
“Sa lahat po ng ating mga kababayan, ingatan po natin ang ating mga sarili at makiisa sa mga hakbang na ipinapatupad upang masiguro ang kaligtasan sa sakit na dengue.”
Ang dengue ay isang viral na infection na nagmumula sa lamok at mas karaniwan sa mga may tropikal na klima.