Nasakote ng mga otoridad sa Cainta, Rizal ang dalawang Cameroonian na sangkot umano sa “black money” scam kung saan gumagamit umano sila ng pekeng pera para makapambiktima.
Nabisto ang modus ng mga suspek matapos makatunog ang biktima nito na iniisctam na siya sa isang establisimyento sa Barangay Isidro.
Ayon sa pulisya, napapayag ng mga suspek ang biktima na maglabas ng pera para ipambili ng chemical compound panglinis ng US dollar bills at may 15 porsiyentong komisyon umano ang biktima rito.
Pero nagduda na ang biktima nang mag-demo sa kaniya ang mga suspek na sa pamamagitan ng isang steaming machine ay napapalitan na umano ng peke ang mga pera. Dito na siya humingi ng saklolo at nahuli ang mga suspek.
“Ang modus operandi na ito ay kinukuha nila ang loob ng biktima, matagal na process, it could take months… tapos i-invite na mag-invest sa kanila at masabi ng suspect na mayroon silang stained dollar o tinatawag na ‘black money’ na hinuhugasan ng isang chemical compound na makukuha sa local notes natin,” saad ni P/Lt Col. Mark Anthony Aningalan, hepe ng Cainta police.
“May 1 million na fake currency, one thousand pieces na fake currency,” aniya. “Nahalata ng biktima na siya ay na-scam. What he did is nagsumbong siya sa security [sa area] na siya ay naloko. At doon ay nahuli siya (suspek),” dagdag niya.
Tumanggi si Aningalan na sabihin kung magkano ang inilabas na pera ng biktima.
Narekober mula sa mga suspek ang isang malaking black backpack na may lamang isang styro foam box na may wire na tinakpan ng duct tape o ang tinatawag na steaming machine at isang libong piraso ng hinihinalang pekeng tig-P1,000 bills na nagkakahalaga ng P1 milyon.