Sa kalaboso ang bagsak ng tatlong magkakaibihan matapos silang matiklo ng mga otoridad habang nagbebenta umano ng shabu at marijuana sa Taguig City.
Ayon sa pulisya, nagbebenta umano ang magkakaibigan ng ilegal na droga sa Barangay Tanyag at nakatawag ng pansin ng mga patroller ang amoy ng tila naninigarilyo mula sa isang bahay, na kalauna’y amoy pala ng marijuana.
Kinilala ang mga suspek na sina Andrei Vidad at Bryan Cordova at ang may-ari ng bahay na kinilalang si Timothy Navera.
Base sa mga ulat, tumakas umano ang lalaki matapos siyang sitahin at nagkaroon ng habulan at pagdating niya sa ika-apat na palapag, dito na tumambad ang mga umano’y droga.
Nakatalon ang lalaki mula sa bintana at nakatakas sa mga awtoridad, ngunit nadakip sa bahay ang tatlo pang lalaki na naaktuhang nagre-repack ng mga marijuana.
Nasabat mula sa mga suspek ang mahigit dalawang kilo ng marijuana umano na nagkakahalaga ng P342,000 at siyam na gramo ng shabu umano.
Natagpuan din ang tatlong marijuana oil na nakalagay sa mga cartridge na nagkakahalaga ng P7,000 bawat isa.
Umamin ang may-ari ng bahay na pagmamay-ari niya ang mga nasabat na ilegal na droga na kaniyang in-order sa online, at sa online din nila binibenta.