NAKITANG palutang-lutang ang Isang patay na saltwater crocodile na may habang 14.9 feet sa dalampasigan ng Sitio Gunob, Brgy. Inogbong, Bataraza sa southern Palawan kahapon ng umaga.
Ayon kay Rodolfo Flordeliza, ang pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), natagpuan ang buwaya ng mismong mga lokal na residente.
Tiniyak muna kung patay na ito bago hinila mula sa tubig papuntang pampang.
Kukunin ito ng mga wildlife rescuers ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) at maaaring isailalim sa necropsy upang malaman kung ano ang dahilan ng kamatayan.
“Yong report sa akin, ngayong umaga nakita. Patay na nga raw, nakita lang ng mga residente na palutang-lutang sa tabing dagat malapit sa bukana ng ilog,” pahayag ni Flordeliza.
Pahayag pa niya, dati na silang may natanggap na ulat tungkol sa mga crocodile sighting sa lugar, ngunit walang nakakakita talaga, maliban na lang kahapon.
Hindi bago ang makakita ng buwaya ang mga residente sa Bataraza dahil isa ito sa kilalang habitat nila sa southern Palawan.
Sinabi ni Flordeliza, madalas silang magbabala sa mga residente na huwag gambalain ang mga lugar kung saan ang mga buwaya ay naninirahan.