Hindi bababa sa 85 sibilyan ang naitalang bilang ng nasawi dahil sa maling drone strike ng militar ng Nigeria nitong Linggo sa Kaduna State.
Ipinag-utos ni Pangulong Bola Ahmed Tinubu ang imbestigasyon ng aksidente matapos aminin ng hukbo na tumama sa nayon ng Tudun Biri ang pinalipad nilang drone para tirahin ang mga rebelde, pag-uulat ng Agence France Presse kahapon.
Nagdiriwang ang mga residente ng Tudun Biri ng pista ng mga Muslim ang sila ay masabugan.
Hindi galing sa hukbo ang bilang ng nasawi kundi sa mga residente, na nagsabi ring karamihan sa mga namatay ay mga babae at bata.
Sinabi naman ng National Emergency Management Agency na may 66 iba pa ang nasugatan at kasalukuyang nasa ospital.
Nakasanayan na ng hukbo ng Nigeria ang paggamit ng drone laban sa mga rebeldeng nasa hilagang-kanluran at hilagang-silangan ng bansa.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may aksidenteng nadamay ang mga sibilyan sa drone strike ng militar.
Noong 2021, hindi bababa sa 20 mangingisda ang nasawi at nasugatan matapos akalain ng militar na mga jihadist sila, na mga residente pala ng Kwatar Daban Masara sa Lake Chad.