Isa lang ang dahilan kung bakit may 459 banyaga ang ilalagay ng Bureau of Immigration sa blacklist dahil nakakuha sila ng visa sa pagkukunwaring mayroong kumpanya rito ang umarkila ng kanilang serbisyo. Ang dahilan ay nalusutan ang BI pati na ang ibang ahensyang may kinalaman sa pagtatrabaho ng mga banyaga sa bansa.
Bagaman magandang nahuli ang mga pekeng manggagawang banyaga, hindi magandang nalusutan ang ilang ahensya na may kinalaman sa pagtatrabaho ng mga banyaga. Naririyan na ang Department of Foreign Affairs na nag-isyu sa mga na-blacklist ng visa. Nalusutan rin ang Department of Labor and Employment at Department of Trade and Industry dahil peke ang mga kumpanyang sinabi ng mga banyaga na nag-hire sa kanila. Bakit hindi ito nalaman ng DOLE at DTI?
Maaaring nagkulang rin ang Securities and Exchange Commission sa pagsuri ng kumpanya kaya nakapasok ang mga pekeng manggagawa.
Kung hindi pa na-raid ng mga pulis at taga-BI ang mga pinagtatrabahuan ng mga na-blacklist, hindi pa malalaman na peke ang mga kumpanya na pinagtatrabahuan umano ng mga banyaga.
Of course, hindi magagawa ng mga pekeng manggagawa na nakakuha ng totoong visa kung walang tulong ng mga Pilipinong nagpapalusot sa kanila kapalit ng bayad. Iniimbestigahan na ang mga sinasabing 79 accredited liaison officer na lumakad ng papeles ng mga na-blacklist. Hindi kataka-taka kung kabilang sila sa isang sindikato na kumikita sa pagpapalusot ng mga banyaga na kunwaring makapagtrabaho sa Pilipinas.
Hindi rin kataka-taka na malawakan ang modus at marami pang ibang nakalusot na banyaga na hindi pa nahuhuli o nalalaman ng mga kinauukulan.
Kailangang magkaroon ng sistema upang malaman agad ng DTI at iba pang ahensya ang mga pekeng kumpanya na kunwaring pinapasukan o papasukan ng mga banyaga upang makakuha sila ng visa. Ang bilang na 459 ay marami at nagpapahiwatig na talamak ang bigayan ng visa sa mga nagpapanggap na magtatrabaho sa bansa.
Lalong nakababahala ito dahil sangkot sa mga kriminal na gawain ang mga nabistong banyaga tulad ng pagpapatakbo ng mga online na pasugalan na walang kaukulang permit at hindi nagbabayad ng buwis.
Ngayong alam na ng mga otoridad na nakakalusot ang mga banyaga sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pekeng impormasyon sa kanilang aplikasyon ng visa, dapat malaman kung paanong hindi ito nabe-beripika ng mga otoridad.
Lahat ng mga nagkulang na mapigilan ang ganitong korapsyon ay dapat managot sa lalong madaling panahon.